Ang
Samahang Lugod ng Bayan Sinakulista (HUBO)
Ang Samahang
Lugod ng Bayan Sinakulista na kilala sa taguring
HUBO dito sa aming bayan ng Taytay, Rizal ay unang nakapagtanghal noon pang
1901 na may 20 miyembro lamang. Ngunit bago sila nakapagtangghal ay may ilan
taon pa ang ginugol nila sa pagsasaayos ng “ORIHINAL” na siyang script ng
Senakulo.
Bilang likhang
pampanitikan, mapapansin natin ang
mala-dramatikong katangian ng pasyon; hindi lamang ito tuluyang salaysay kundi
may mga bahaging nakaaakit ding isatanghalan; ito ang naging ugat ng
pagtatanghal ng senakulo. Karaniwan ding sa pasyon halaw ang diyalogo ng
senakulo na nasa anyong quintilla. Ang bawat kahon ay may limang
wawaluhing pantig na linya. Bukod sa nabanggit na Pasyon, ang akdang patula na
siyang iskript ng senakulo ay batay rin sa Bibliya, mga Apocrypha at
mga leyendang (legends) Kristiyano na nagmula sa Europa. Ang apocrypha ay
mga lumang akda sa anyo ng ebanghelyo, liham at mga gawa na nagsasalaysay ng
mga lihim na tagpo sa buhay ni Jesus at ng mga alagad. Bagama't hindi ito
bahagi ng Bibliyang Kristiyano ay naging popular pa rin ang mga ito partikular
na sa mga Katoliko.
Ayon sa mga
matatanda ng aming samahan, noong araw daw ay
wala pang entablado at sa "cuadra" sila nagpapalabas. Cuadra ang
tawag nila noon sa isang bakanteng lupa na lalagyan lamang nila ng apat na
poste at bakod at doon na sila magpapalabas.Taun-taon ay hindi iisang beses
lang kung sila ay magpalabas, madalas daw ay tatlong beses sila lumabas,
bago magmahal na araw, sa panahon mismo ng mahal na araw at pagkatapos nito,
sapagkat maraming bayan ang nag-iimbita sa kanila, minsan pa nga raw ay Mayo na
ay lumalabas pa sila. Nasisita daw sila hanggang sa Nueva Ecija, Bulacan,
Taguig, Batangas at marami pang ibang bayan. Natigil lamang sila noong
panahon ng Hapon at muli nilang itinuloy ang pagpapalabas pagkatapos ng
"World War II."
May mga pagkakataong
hindi nakakalabas ang samahan dahil sa
nasira ng bagyo ang mga gamit at kung minsan ay maraming miyembro ang di
makaganap dahil nag-abroad o dahil may hindi nagkaunawaan at nagbigay daan sa
pagkakahati ng samahan. Subalit sa bawat pagkadapa ay laging bumabangon ang
samahan.
Ayon kay Amang
Tonio (Mr. Antonio Cruz+), na pinakamatagal na
naging direktor ng samahan (1960’s – 2000’s) ay si G. Sesto Salandanan ang
unang director at writer ng Senakulo sa Taytay. At ang sumunod ay si G. Juan
Darote na kanyang kinagisnang direktor noong siya'y magsimulang gumanap sa
gulang na pitong taon. Ang sumunod na direktor ng samahan ay si G. Iņigo
Esguerra (Ka Egong). Nung sumakabilang buhay ang Ka Egong, maraming
nagsalit-salitan sa pagdidirektor hanggang sumapit ang taong 1962 ay si Amang
Tonio na ang pirmihang nagging direktor hanggang sa kanyang pagkamatay noong
2008.
Taong 2006 ay
mahina na ang Amang Tonio, at sa pamumuno ni G.
Russel Jose ay nag-ibang bihis ang samahan; naging moderno ang mga kasuotan at
kagamitan.
Ang taguring
HUBO, kung saan mas nakilala ang samahan ay
nanggaling sa mga pagkakataon na patong-patong ang damit ng mga manggaganap
dahil limitado ang bilang ng miyembro ay marami silang papel at upang mapabilis
ang pagpapalit ng costume ay isa-isang huhubarin ayon sa kanyang papel. Minsan
ay nahuhulog na pababa o nahuhubo na unti-unti yung unang patong ng damit. Kaya
HUBO ang nagging tawag- kasi unti-unti nahuhubo ang suot.
Ngayong taong 2012, sa ika-111 taon ng HUBO ay naimbitahan ang samahan
na magtangghal sa Open-Air Auditorium ng Rizal Park sa Luneta.